-- Advertisements --

Inanunsyo ni dating Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga na kanyang ieendorso ang kandidatura ng ina na si Dasmariñas City Mayor Jenny Barzaga para sa nalalapit na special elections sa ikaapat na distrito ng Cavite.

Sa isang social media post nitong Biyernes, sinabi ni Kiko na nalulugod siya na ipakilala ang kanyang ina na hindi naman na baguhan sa politika.

Nitong Hulyo 17, opisyal na ngang naghain ng certificate of candidacy (COC) si Mayor Jenny, kung saan nakatakda niyang makatunggali ang apat pang mga kumandidato rin para sa naturang posisyon na gaganapin sa nasabing distrito.

”With your trust and support, I remain committed to serving every Dasmarineño and continuing the progress of our beloved City of Dasmariñas,” ani ng Alkalde.

Samantala, sinabi rin ni Kiko Barzaga na hindi na siya muling tatakbo sa special elections. Ayon sa kaniya, mas pipiliin na lamang niyang magbakasyon kaysa muling lumahok sa halalan.

Matatandaang na-expel si Barzaga sa Kamara noong Hunyo 2 matapos aprubahan ng mayorya ng mga kongresista ang kaniyang pagpapatalsik. Nagsilbi siya bilang kinatawan ng ikaapat na distrito ng Cavite sa loob ng halos 11 buwan.