Pormal nang kinasuhan ng Manila City Prosecutors Office ang napatalsik na mambabatas na si former Cavite 4th District Rep. Francisco ‘Kiko’ Barzaga sa Manila Regional Trial Court.
Sa dokumentong naibahagi sa Bombo Radyo Philippines, sinampahan ang dating mambabatas ng kasong ‘cyber-libel’ kaugnay sa makaraan ‘online post’ nito.
Nag-ugat ang naturang kaso sa reklamong inihain ni Manila 2nd District Rep. Roland Valeriano may kinalaman sa akusasyon ni former Rep. Barzaga.
Pinaratangan kasi sa ‘social media’ ang mga miyembro ng National Unity Party o NUP na tumanggap umano ng suhol mula sa negosyanteng si Enrique Razon.
Sinasabing ang tinanggap na pera ay para raw suportahan at mailuklok dati bilang House of Representatives Speaker si Leyte st District Rep. Martin Romualdez.
Ito nama’y mariin pinabulaanan ni Rep. Valeriano at iginiit na walang tinanggap na anumang halaga ng pera mula sa negosyante.
Batay sa ‘information’ na inihain sa Manila Regional Trial Court, partikular na kinakaharap ngayon ng dating mambabatas ang paglabag sa Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 kaugnay sa Articles 353 at 355 ng Revised Penal Code.
Inilahad din sa kasong isinampa sa korte na ang nababanggit na ‘online post’ ay nakitaan ng intensyon para maapektuhan ang reputasyon, magdulot ng galit ng taumbayan, at siraan si Rep. Rolando Valeriano.
Nagamit pa umano ang lawak ng social media platform ni former Rep. Barzaga para maipakalat ang pahayag na siyang nagbunga para makapaminsala umano sa integridad ng naturang opisyal.
Ayon sa City Prosecutors ng Maynila, matapos ang isinagawang preliminary investigation at makita ang records, mga testimonya at ebidensiya ay nadeterminang mayroon ‘primma facie evidence with reasonable certainty of conviction’ ang kaso laban sa akusadong dating mambabatas.
Sinabi rin na bago pormal na iakyat sa korte ang kaso ay naabisuhan o nabigyan ng pagkakataon ang akusado para ibahagi ang kanyang panig.
Alinsunod dito’y tuluyan nang kinasuhan ang dating mambabatas at inirekumenda ang sampung libong piso halaga bilang ‘bail’ o piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Bukas ang tanggapan ng Bombo Radyo Philippines sa anumang pahayag o depensa ng akusadong si former Rep. Kiko Barzaga kaugnay sa kasong inihain laban sa kanya.
















