Nasa 40 na ang natukoy na close contacts ng unang kaso ng bagong BA.2.12 Omicron subvariant na na-detect sa Pilipinas.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire mayroon itong siyam na close contact sa Quezon City, lima sa Benguet at 30 near contacts nito na kasama sa commercial flight patungong Manila.
Aniya, karamihan sa close contacts ng Omicron subvariant case ay fully vaccinated at ilan sa kanila ay nasuri na at nagnegatibo sa COVID-19.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang masusing monitoring sa lahat ng close contacts na kasalukuyang walang nararamdamang sintomas ng sakit.
Kaugnay nito, pinawi naman ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko at nilinaw na walang nahawaan ang banyagang turista na nagpunta sa Baguio City University na nagpositibo sa Omicron BA.2.12.
Nabatid na tanging dalawa mula sa siyam na indibidwal may close contact sa Omicron case ang sinuri sa COVID-19 ay parehong nagnegatibo sa virus at parehong asymptomatic ang mga ito.
Ayon kay Karen Lonogan, epidemiology nurse ng DOH-Cordillera region, ang 52-anyos na babaeng dayuhan mula sa Finland ay nagtungo sa Baguio City para mag-lecture sa digital loom weaving noong buwan ng Marso.
Nakitaan ito ng mild COVID-19 symptoms gaya ng pananakit ng ulo at sore throat, siyam na araw mula sa arrival nito sa bansa at nakumpirmang positibo sa virus sa sumunod na araw.
Subalit paglilinaw ng DOH, bago pa man umalis ng bansa at bumalik sa Finland ang naturang banyaga noong Abril 21 ay nakarekober na ito sa sakit.
Sa ngayon ayon sa DOH, tinutukoy pa ang characteristic ng bagong Omicron sublineage pagdating sa transmissibility at kung ito ba ay more severe disease.
Samantala, hindi pa idinideklara ng World Health Organization kung ang BA.2.12 ay isang variant of interest o variant of concern.