Isa na ang kumpirmadong patay habang 4 naman ang sugatan matapos bumagsak ang metal frame na ginagamit sa skyway project sa Muntinlupa City.
Ayon kay Muntinlupa City PIO Chief Tess Navarro, bigla raw nahulog ang mega metal frame sa kahabaan ng East Service Road at nadaganan ang anim na sasakyan kabilang na ang mga motorsiko at mga kotse.
Agad naman umanong naisugod sa pagamutan ang apat na kataong nadisgrasya sa pagbagsak ng frame.
Sa ngayon patuloy ding inaalam ng mga otoridad at mga rescuers kung may nadamay pa sa insidente.
Bagamat nagdudulot ngayon ng masikip na daloy ng trapiko ang naturang insidente ay agad namang gumagawa ng paraan ang mga otoridad para makaiwas sa pinagyarihan ng aksidente.
Sinabi ni Muntinlupa City Traffic Management Bureau chief Danidon Nolasco na sobrang traffic na ang nararanasan sa East Service Road mula Muntinlupa City hanggang Sucat sa Paranaque.
Sa ngayon, parehong nakasara ang north at soutbound lane ng East Service Road pero puwede naman umanong dumaan ang mga motorista sa West Service Road, Alabang-Zapote Road at Manuel L. Quezon, SLEX bilang alternatibong kalsada.