-- Advertisements --
PNP 1
PNP National Headquarters in Camp Crame

Kinumpirma ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na nasangkot sa panibagong kaso ngayong 2019 ang apat sa 13 pulis na dawit sa maanomalyang Pampanga drug raid noong 2013.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo dismissal order ang kanilang naging rekumendasyon sa apat na pulis na kabilang sa agaw bato scheme sa Pampanga.

Ang nasabing mga pulis ay sina Lt. Joven De Guzman; MSgt Donald Roque; MSgt. Rommel Vital; at Cpl. Romeo Encarnacion Guerrero Jr. na sangkot sa planting of evidence sa isinagawang drug operations sa Antipolo City noong Mayo 4.

Sinabi ni Triambulo, hindi naipatupad ang kaniyang rekomendasyon na sibakin sa serbisyo ang mga nasabing pulis.

“Mas maganda kasi yung aming samahan, relationship nung dating Chief PNP si [Ronald] Dela Rosa kasi from yung resolution ko, kung ano yung recommendation ko ay direkta sa kanyang opisina at inaaksyunan niya pero ngayon medyo nagbago kasi merong memorandum na yung aking resolution kung ano recommendation ay dadaan muna sa DLOD,” pahayag ni Atty. Triambulo.

Isa sa dahilan kung bakit nais humiwalay ang IAS sa PNP ay dahil para magkaroon sila ng kapangyarihan imbestigahan ang mismong PNP Chief dahil ang IAS ay nasa ilalim ng tanggapan ng hepe ng pulisya.

“Kung hindi kasi iko correct yan, alam naman natin na kumpare kumpare, inanak sa kasal e magkakaroon ng misconduct yan later on kasi kinukonsinti,” wika ni Triambulo.

Sa kasalukuyang set up, walang kapangyarihan ang IAS para imbestigahan ang pinuno ng pambansang pulisya.

“Hindi pupwede dahil ang internal affairs ay nasa office mismo ng chief pnp, sya mismo ang mag desisyon, hindi nya pwedeng desisyunan ang kanyang sarili,” dagdag pa ng opisyal.

Nais din ng IAS na magkaroon ng kapangyarihan para bigyan protection ang mga lumulutang na witness laban sa mga pulis.

Ipinanukala ni PBA Partylist Rep. Jericho Nograles na sa House Bill 3065 amyendahan ang RA 8551 o ang Philippinr National Police Act of 1998 na nagtatag sa IAS bilang hiwalay na chain of command ng PNP.

“Kasi ganito po yun, at saka paramagkakaroon din tayo ng streamlining katulad yung Napolcom at IAS nagdu-duplicate po yung function nila so ang gagawin natin para ma-entertain lahat ng complain nung mga tao ay magkakaroon kami ng internal affairs complaint desks sa lahat ng istasyon at ito ay mag entertain ng mga complaint at saka yung acts constituting misconduct,” ani Triambulo.