-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Nasa ligtas ng kalagayan ang apat na pulis na kinabilangan ng tatlong lalaki at isang babae nang pinaliparan sila bala ng M203 habang naka-mando sa quarantine control checkpoint sa bayan ng Concepcion,Misamis Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Police Regional Office 10 Director Brigadier General Rolando Anduyan na una nang nag-alerto ang buong puwersa dahil sa impormasyon na manggugulo ang grupo ng isang Kumander Sendong ng rebeldeng New People’s Army sa nasabing lalawigan.

Inihayag ni Anduyan na isang divertionary tactic ang ginawa ng NPA rebels dahil naiipit na ang mga ito sa hiwalay na joint operation ng AFP at PNP sa mabundok na bahagi ng Misamis Occidental.

Bagamat nagtamo ng mga sugat ang nabanggit na mga pulis subalit hindi naman gaanong malubha nang matamaan ng sharpnels mula sa bala ng M203.

Subalit nang magsagawa ng clearing operations ang mga otoridad,tumambad sa tropa ang isang bangkay na pinaghinalaang kasapi ng rebelde kung saan katabi ang mataas na uri ng baril.

Humingi na muna ng paumanhin si Andunyan na pangalanan ang mga pulis para na rin sa kanilang seguridad.

Nagpapasalamat na rin ng PNP na wala pang mga sibilyan na isinalang sa quarantine checkpoint nang umatake ang mga rebelde.