-- Advertisements --

Nakatanggap na ang bagong lunsad na Citizen’s Participatory Audit ng Department of Health (DOH) ng apat na reports may kaugnayan sa nakatenggang Super Health Centers sa bansa.

Matatandaang inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang nasabing audit mechanism bilang bahagi ng imbestigasyon kasunod ng napaulat na 300 centers na hindi pa rin operational. Inilunsad ito noong Oktubre 20.

Ayon sa DOH, isasailalim ang mga nakuhang reports ng ahensiya sa beripikasyon saka tatalakayin sa mga lokal na pamahalaan na siyang dapat na namamahala sa mga nakatiwangwang na Super Health Centers.

Muling hinihimok naman ng DOH ang mga nais na magsumbong sa nakatengga o kulang na serbisyo mula sa Super Health Centers na maaaring i-download ang reporting form sa pamamagitan ng bantay super health website.

Para sa reklamo, dapat ilagay ang address ng Super Health Center at iba pang mga detalye gaya ng larawan na kinunan kasama ang isang dyaryo sa mismong araw para sa petsa ng pagkuha ng litrato saka ipadala ito sa email na bantaysuperhealth@doh.gov.ph.