CAUAYAN CITY- Arestado ang apat na Social Amelioration Program (SAP) Beneficiaries na kinabibilangan ng isang Buntis sa Mt Malusong, Brgy. Banganan, Aritao, Nueva Vizcaya matapos mahuli sa aktong nagsusugal ng mga otoridad.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay PChief Master Sgt. Allan Jalmasco, tagapagsiyasat ng Aritao Police Station kinilala nito ang mga suspek na itinago sa mga pangalang Shane, 26 anyos, may-asawa; Josie, 36 anyos, may- asawa; Rosa, 36 anyos , may-asawa, 4Ps member at si Berna, 30 anyos, 9 na buwang buntis, may asawa na pawang Benipisaryo ng SAP at residente ng nasabing Barangay.
Ayon kay Police Chief Master Sgt. . Jalmasco, nakatanggap sila ng impormasyon sa isang concerned citizen patungkol sa iligal na pagsusugal ng mga suspek. .
Kaagad tumugon ang mga kasapi ng Aritao Police Station sa pangunguna ni PLt. Bobby Bumanglag, Deputy Station Commander na nagresulta sa pagkakadakip ng mga pinaghihinalaan at pagkakakumpiska ng mga ginagamit sa sugal.
Nasamsam ng mga pulis sa lugar ang dalawang set ng lumang baraha at mahigit isang daang pisong bet money na dinala sa presinto para sa kaukulang dokumentasyon.
Tuluyan nang sinampahan ng paglabag sa Presidential Decree 1602 ( Anti illegal Gambling Act) ang mga suspek.