-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine Army na apat sa mga pangunahing persons of interest sa madugong Mindanao State University bombing sa Marawi City ay nanutralisa na ng kasundaluhan.

Ito ay matapos na mapabilang sa siyam na Dawlah Islamiyah members na nasawi sa engkwentro laban sa mga tropa ng militar ang dalawa sa mga suspek sa madugong pangbobomba sa naturang unibersidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala na nag-ugat ang operasyon ng militar nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga terorista.

Ito aniya ay bahagi pa rin ng patuloy na pagtugis ng kasundaluhan sa mga indibidwal na may kinalaman pa rin sa bombing incident sa MSU.

Aniya, sa ngayon ay nakuha na ng kasundaluhan ang apat na pangunahing mga suspek sa nasabing krimen kung saan dalawa ang kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng mga otoridad habang dalawa pa ay kabilang nga sa naturang mga nasawing miyembro ng Dawlah Islamiyah sa pinakahuling sagupaan nito laban sa mga tropa sa Barangay Tapurog sa Piagapo, Lanao del Sur na kinilalang sina Saumay Saiden a.k.a. Abu Omar na isa sa mga utak sa likod ng naturang pangbobomba, at isa pang teroristang kinilalang si Abdul Hadi o alyas Hodi Imam na sinasabing nag-assemble ng improvised explosive device na ginamit sa MSU bombing.

“Bale doon sa MSU bombing kasi apat yung mismong persons of interest doon tapos yung dalawa ay napatay dito sa recent encounter, at yung dalawa naman nahuli so basically yung apat na involve na persons of interest ay nakuha na natin while the remaining members na kasama doon sa planning, etc. ay tuluy-tuloy nating tinutugis.” saad ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala sa panayam ng Bombo Radyo Philippines.

Ang panibagong tagumpay na ito ng 103rd Brigade ng 1st Infantry Division ng Philippine Army sa counterterrorism operation noong Enero 25 hanggang 26 ay pinuri naman ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr.

Aniya, ang naging dedikasyon ng mga tropa partikular na sa pagtugis sa salarin sa pangbobomba sa MSU noong Disyembre 3, 2023 ay bahagi ng paghahatid ng hustisya para sa mga biktima ng kasuklam-suklam na pag-atake ng mga terorista.

Ang operasyong ito aniya ay nagpapakita lamang na hinding-hindi kukunsintihin ng AFP ang sinumang naglalagay sa panganib sa buhay ng ibang tao.

Samantala, hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang mas maigting na pagtugis ng kasundaluhan sa iba pang nalalabing mga miyembro ng teroristang grupo na Dawlah Islamiyah.

Kasabay ng babala ng AFP na hindi ito matitinag at buong puwersa nitong haharapin ang naturang mga terorista.