-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Natagpuan na ang bangkay ng apat na mga bata na nalunod sa ilog sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang mga nasawi na sina Rhea Balasa,10 anyos, mga kapatid nito na sina Rodelyn Bala, 5 at Renalyn Balasa,8.

Patay din si Jennifer Suizo, 11 anyos habang nakaligtas ang kanyang kapatid na si Jennelyn Suizo ,8 anyos,pawang magkakapitbahay at mga residente ng Barangay Simuay Sultan Kudarat Maguindanao.

Ayon kay Brgy Simuay Kapitan Jaber Dalinding na nagkayayaan ang mga biktima na maligo sa Simuay River sa Brgy Simuay Sultan Kudarat Maguindanao.

Dahil sa malakas na agos ng tubig ay natangay ang mga biktima sa malalim na parte ng ilog.

Nakaligtas ang isa sa mga menor de edad habang ang apat ay tuluyang nalunod sa ilog.

Agad nagtulungan ang mga residente ng Brgy Simuay at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO-Sultan Kudarat) sa inilunsad na search and rescue operation.

Ilang oras lang ang nakalipas ay natagpuan ang bangkay ng mga biktima na lumulutang sa ilog.

Nanawagan ngayon si Sultan Kudarat Mayor Datu Shameem Mastura sa mga magulang lalo na yong nakatira sa gilid ng ilog na bantayan ang kanilang mga anak para iwas disgrasya.