Iginiit ng House prosecution panel na mayroon silang sapat na dokumento at ebidensya para patunayan ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, nasa kamay na ng prosecution ang mga subpoenaed bank at tax records ni Duterte at ng kanyang asawa, pati ang financial records ng kanilang mga kumpanya. Gagamitin ang mga ito bilang ebidensya sa Article II ng impeachment trial.
Sa Article II, inaakusahan si Duterte ng paglabag sa Konstitusyon at pagtataksil sa tiwala ng publiko dahil umano sa pagkakaroon ng yamang hindi tugma sa kanyang legal na kita, hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian at interes sa negosyo habang nasa serbisyo publiko.
Hindi muna ibinunyag ni Alonto Adiong ang detalye ng kanilang ebidensya, ngunit sinabi niyang dapat abangan ito ng publiko sa pagharap sa Senate Impeachment Court.
Samantala, tinatapos na ng prosecution ang presentasyon ng ebidensya sa Article I na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
Pinag-aaralan din ng House prosecution panel kung laktawan ang Article III ang bribery sa mga opisyal ng DepEd upang paikliin ang paglilitis at agad tumungo sa Article II.
Subalit sa ngayon wala pang pinal na desisyon dito ang prosecution.
“So we are we are actually conscious about that, and we want to fit in how we can actually present in those days the testimonies or the to present witnesses, no, under Article kasi we’re moving to Article 3 now, we’re wrapping up with Article 1, so we’re moving to Article, unexplained wealth, which is Article if I’m not mistaken, Article 2, yeah, Article 2,” pahayag ni Rep. Adiong.
















