Apat na mega swabbing centers ang bubuksan ng gobyerno sa Metro Manila at Bulacan bilang tugon sa expanded testing para sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, koordinasyon ng Department of Health sa Department of Transportation at Bases Conversions and Development Authority ang inisyatibo na target magsagawa ng 5,000 tests kada araw.
“Naglaan ang DOH ng pondo upang lalo pang madagdagan ang testing capacity ng bansa at masiguro ang kaligtasan ng ating healthcare workers.”
Kabilang sa mga itinalagang mega swabbing center ang Philippine Arena para sa Northern sector; Mall of Asia Arena para sa Southern sector; The Enderun Tent sa Taguig, para sa Eastern sector; at Palacion de Maynila para sa Western sector.
“Ang lahat ng ito ay magbubukas ano mang araw ngayong linggo, ayon kay BCDA president and CEO Vince Dizon.”
Sa ngayon 5,264 test kada araw ang capacity ng certified COVID-19 laboratory testing facilities.
Hindi pa raw kasali rito ang kapasidad ng dalawang bagong na-certify na laboratoryo, na UP-PGH Medical Research Laboratory at Singapore Diagnostic, Inc. sa Makati City.
“Upang maabot ang ating 30,000 tests kada araw sa darating na May 31, ang DOH ay may itinalagang karagdagang bagong lab encoders upang mapabilis ang labas ng mga resulta ng COVID tests na isinagawa.”
Ang Department of Science and Technology, una nang namahagi ng 132 specimen collection booth sa DOH.
Ipinamahagi na raw ito ng kagawaran sa 80 health facilities sa bansa.