Nasa apat ang kumpirmadong namatay na mangingisda habang isa ang nawawala sa pagtaob ng isang commercial fishing boat sa karagatang sakop ng Bagac, Bataan.
Sa inisyal na report ng Philippine Coast Guard (PCG) substation sa Morong, Bataan maliban daw sa mga namatay ay 45 pang mga mangingisda ang nailigtas.
Tumaob ang sikasakyang bangka ng mga mangingisda dahil sa malakas na alon habang nasa kasagsagan ng kanilang pangingisda.
Ang fishing boat captain na si Gregorio Abong, 52-anyos ay nasa 18 nautical miles mula Bagac, Bataan nang ito ay sumalubong sa malakas na alon at tumaob.
Kinilala ni Coast Guard PO1 Edward John Lazaro, Morong substation commander, ang mga nasawi na sina Gregorio Limboc, 43; Alexander Mesina, 52; Tirso De Guia, 45; at Edgar Balboa, 50; lahat ay mula sa Nasugbo, Batangas at mga crew ng Fishing Boat Twin Sister.
Sa ngayon, patuloy pa rin daw ang paghahanap sa nawawalang crew na si Jemar Dacillo, 26, ng Nasugbo.