-- Advertisements --

CAUAYAN CITY -Nasampahan na ng kaso ang apat na kalalakihan ang ikinulong matapos masangkot sa iligal na pagtutulak ng Droga sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa Nueva Vizcaya.

Ang mga pinaghihinalaan na sina Mark Lester Asuncion, 29 anyos, walang trabaho kabilang sa high value individual target list ng PDEA; Jaldrin Dela Rosa, 33 anyos , may asawa, isang electrician at Daryl Catabona, 29 anyos, binata, supermarket crew, pawang residente ng Purok-6, District 4, Bayombong, Nueva Vizcaya

Sa pagtutulungan ng mga kasapi ng PDEA region 2 at Bayombong Police Station, naaresto ang mga suspek sa aktong pagtutulak ng droga at nasamsaman pa ng 7 sachet ng hinihinalang shabu, dalawang bote ng nakalalasing na inumin, at buybust money na ginamit sa transaksyon kapalit ng isang sachet ng droga.

Samantala, dinakip din ng mga otoridad ang isang magsasaka na si Roger Olais, 33 anyos, binata,residente ng Banganan, Aritao,Nueva Vizcaya matapos masangkot sa iligal na pagtutulak ng Marijuana

Nagsagawa ng operasyon ang magkasanib na puwersa ng Aritao Police Station sa pangunguna ng kanilang hepe na si Police Major Oscar Abrogena at PDEA region 2 at nahuli sa aktong pagtutulak ng hinihinalang Marijuana ang suspek matapos bentahan ng illegal na droga ang isang pulis.

Nakuha sa pag-iingat ni Olais ang limang daang pisong ginamit sa transaksyon kapalit ng 3 sachet ng Marijuana bukod pa sa pagkakasamsam ng 13 sachet ng hinihinalang Marijuana na nakasilid sa isang plastic sando bag at itim na pouch na pagmamayari nito.

Kabilang ang suspek sa DI list ng nga otoridad at minsan nang nasangkot sa operasyon ng iligal na Droga.

Ang mga suspek at mga nasamsam na illegal na droga ay dinala sa mga himpilan ng pulisya.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa mga suspek.