CAUAYAN CITY- Magpapatupad ng apat na araw na total lockdown dahil sa edil fitr sa Saudi Arabia
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Lawrence Valmonte, OFW sa Saudi Arabia, sinabi niya na magsisimula ang total lockdown sa May 23-27, 2020.
Aniya, magbabalik naman sa normal ang lahat sa katapusan ng Mayo.
Dahil dito, pinayuhan na ang lahat na mag-imbak na ng kanilang pagkain at tubig dahil bawal ng lumabas sa mga nasabing araw.
Samantala, sinabi pa ni Ginoong Valmonte na muli na namang nadagdagan ang kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa nasabing bansa na pumalo na sa halos 60,000.
Aniya, sa huling datos ay nadagdagan pa ng 2,509 ang kaso dahilan para pumalo ito sa 59,854 habang ang recoveries naman ay 31,634 at ang namatay ay 329.
Samantala, mayroon na aniyang 1,684 na OFWs ang nabigyan ng ayuda ng POLO na nagkakahalaga ng 200 U.S. dollars.
Sa 400,000 na OFWs aniya doon ay 9,000 lamang ang alokasyon sa Saudi Arabia subalit muli pa umano itong madadagdagan dahil dinagdagan ng DOLE ang pondo sa nasabing programa.