BACOLOD CITY – Kaagad na binawian ng buhay ang isang apat na taong gulang na bata sa Silay City, Negros Occidental, makaraang madaganan ng football goal post.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Ronelo Gumban, ama ng biktima na si Regine ng Purok Sawmill, Barangay Guinhalaran, Silay City, namimitas ng bulaklak ang kanyang anak upang ialay kasabay ng Flores de Mayo.

Kasama ng biktima ang anim na iba pang bata nang dumaan ang mga ito sa football field sa PLDT Grandstand.

Naglambitin umano ang mga bata sa net sa goalpost kaya natumba ito at nadaganan si Regine sa dibdib.

Nang nalaman ng katekista ng mga bata ang insidente, agad itong pumunta sa lugar at dinala sa ospital ang biktima ngunit hindi na naisalba pa si Regine dahil sa internal hemorrhage.

Humingi naman ng tulong ang ama sa may-ari ng football field na tulungan sila sa pagpapalibing sa kanyang anak.

Nabatid na mahina o mababaw ang pagkakabaon ng goalpost sa lupa kaya madali itong natumba.