CAGAYAN DE ORO CITY – Tinitiis ngayon ng nasa 373 pamilya na matulog sa bakuran o kaya sa kalsada kaysa mabagsakan ng mga debris mula sa nabibitak at nasisira nila na kabahayan sa anim na bayan ng Bukidnon.
Ito ay epekto pa rin sa 5.9 magnitude na lindol na namataan ang sentro sa bayan ng Kalilangan na mayroong lalim na 5 kilometro na tectonic in origin noong Lunes ng gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Bukidnon Provincial Government Office spokesperson Hanzel Echavez na sa higit 300 kabahayan ng mga residente ay halos 30 rito ang tuluyang bumigay at hindi na matitirahan pa dahil sa epekto ng lindol.
Inihayag ni Echavez na kasalukuyang namimigay sila ng tents para pansamantala na masilungan ng mga pamilya na apektado sa trahedya.
Dagdag ng opisyal na umaakyat rin sa 11 residente na nakalabas sa pagamutan na unang nagkasugat dahil sa sobrang pagpanic.
Itutuloy rin ng inspection engineers ang paglilibot nila sa mga bayan ng Talakag,Kitaotao,Dangcagan,Don Carlos,Maramag at Kalilangan na apektado ng lindol upang alamin ang pinsala ng mga gusali ng gobyerno,pribadong establisimiyento at maging simbahan.
Inaasahan na sa susunod na linggo pa mailalabas ng provincial government ang structural damages sa lahat ng mga apektado na bayan ng lindol.