BACOLOD CITY – Mahigpit na seguridad ang ipinapatupad sa Escalante City, Negros Occidental ngayong araw, kasabay ng anibersaryo ng Escalante massacre.
Ngayong Setyembre 20, ginugunita ang 34th anniversary ng Escalante massacre kung saan 20 ang patay at 30 ang sugatan noong taong 1985.
Nakasanayan na rin ang pagsasagawa ng mass oath of allegiance para sa mga fighters at supporters ng NPA na magbabalik-loob sa gobyerno.
Ayon kay 3rd Infantry Division Public Affairs Office chief Capt. Cenon Pancito III, umaabot sa 2,510 NPA fighters at supporters sa northern Negros ang dadalo sa nasabing event mamayang hapon.
Ito ay bilang bahagi rin tatlong araw na North Negros Peace Summit na nagsimula nitong Miyerkules.
Umaasa naman si Escalante City Mayor Melecio “Beboy” Yap na hindi na mananatili sa kanilang lungsod ang komunistang grupo at wala na ring magsusuporta sa kanila.
Aniya, ang pagsuko ng mga rebelde ay resulta rin ng pagbuo ng Negros Occidental ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict.