LEGAZPI CITY – Magkakasunod na nahuli ng PNP ang tatlong most wanted person na suspek sa patung-patong na kaso sa lungsod ng Sorsogon.

Kinilala ang mga nahuling suspek na sina Roldan Barba Japon, Ranked 1 bilang most wanted person, Jomar Lacamiento Lagata, No. 2 sa listahan at Cyrel Brana Pura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lt. Col. Jefferson Araojo, hepe ng Sorsogon City Police Station, magkakasunod na hinuli ang mga suspek sa kani-kanilang tahanan sa bisa ng arrest warrant para sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention with rape.

Ayon kay Araojo, halinhinan umanong ginahasa ng mga suspek ang 15-anyos na dalagita matapos na malasing sa isang inuman.

Sa ngayon, nakakulong na ang mga suspek at walang inirekomendang piyansa.