LA UNION – Sa piitan ang bagsak ng tatlong kababaihan na umano’y shoplifters matapos mahuli sa CCTV camera, ang ginagawang pagpuslit sa mga grocery items, mula sa isang supermarket sa Barangay Tay-ak, Rosario, La Union.

Ang mga hinuling suspek ay kinabibilangan ng 28 at 29 anyos na dalaga at 45 anyos na misis, na umano’y taga Malabon City.

Napag-alaman ng Bombo Radyo kay Patrolman Kevin Milan, imbestigador ng Rosario Police Station, na nagkakahalaga lahat ng P20,571 ang mga grocery items na tangkang ipuslit ng mga suspek, sa pamamagitan ng paglalagay sa kanilang bag.

Lingid sa kanilang kaalaman, nakita ng mga empleyado sa CCTV ang ginagawang pagnanakaw ng tatlo, kung kaya’t hinarang agad sila ng mga guwardiya nang palabas na ang mga ito sa establisimento.

Dagdag pa ni Milan, sasampahan ng kaukulang kaso ang tatlo bagamat aminado ito na makakalaya pa rin ang mga suspek dahil bailable ang kaso ng mga ito.

-- Advertisement --