LEGAZPI CITY- Hindi na nakaligtas pa ang tatlong persons deprived of liberty na tumakas sa kulungan matapos mauwi sa engkwentro ang nakatakda sanang paghuli sa mga ito sa Brgy. Bonbon, Milagros, Masbate.

Kinilala ang mga ito na sina Bryan Basulgan, 22 na nahaharap sa kasong Illegal Possession of Firearms and Explosives; Jose Jeven Fuentes, 30, akusado sa 6-counts of rape, at Richard Espayos, 37 na nahaharap rin sa 6-counts ng Rape.

Ayon sa impormasyon mula sa Police Regional Office 5, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Masbate Sub Provincial Jail matapos magsagawa ng manhunt operations sa apat na tumakas na PDLs noong Hunyo 9.

Subalit ng malapit na ang team sa mga ito, sinasabing nagpaputok ng baril ang mga suspek na rason upang gumanti ng putok ang kapulisan na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo habang nakatakas ang isa pa.

Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang 12-gauge homemade shotgun na may lamang tatlong bala at isang basyo sa kaparehong kalibre.

Nagsasagawa naman ng malalimang pagsisiyasat ang mga otoridad sa insidente habang patuloy na pinaghahanap ang isa pa.