CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinalungkot ngunit iginiit ng Philippine Drugs Enforcement Agency Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) na walang personalan sa pagsasampa nila ng kaso laban sa tatlong nadakip na pulis sa isang drug buy bust operation sa lalawigan ng Maguindanao.

Nahaharap sa kasong pagbebenta ng iligal na droga at illegal possession of firearms ang mga tauhan ng Maranao Police Station na sina P/MSgt. Monjel Nassal Aradais; P/SSgt. Fahmi Bangon Como; at Pat. Sandiali Mangundacan na pawang nagmula sa Lanao del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni PDEA-BARMM regional director Juvenal Azurin na masakit para sa kanilang kalooban na nasampahan nila ng kaso ang tatlong pulis subalit hindi rin dapat mapagpatuloy ang kinasangkutang nilang mga iligal na gawain.

Sinabi ni Azurin na ikinagulat nga nila na mga pulis pala ang mga ito nang mahuli sa sinasakyan na pribadong sasakyan na umabot pa sa Maguindanao.

Bago ito, nakunan ng 50 gramo ng suspected shabu na mayroong halaga na higit P300,000 ang mga suspek na nakakulong pansamantala sa mini-cell ng PDEA-BARMM heaquarters sa Cotabato City.