Hindi lahat ng kampo ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa ang bubuksan para maging vaccination sites sa tatlong araw na “Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) Vaccination Days.”
Nasa 8,000 vaccination sites ang binuksan ng pamahalaan sa 17 rehiyon sa buong bansa na maaaring puntahan ng ating mga kababayan para magpabakuna.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Deputy Chief for Administration at Administrative Support for COVID-19 Task Force (ASCOTF) commander Lt. Gen. Joselito Vera Cruz, tatlong Police Regional Offices lamang ang gagamitin bilang vaccination sites na kinabibilangan ng Police Regional Office 3 sa Central Luzon, Police Regional Office (PRO)-5 sa Bicol Region, at PRO-11 sa Davao Region.
Binigyang-linaw din ng ASCOTF commander na walang vaccination sites para sa lahat ng Police Provincial Offices sa buong bansa kasama ang National Capital Region Police Office at ang limang police districts nito.
Ayon sa heneral, may mga medical reserve force personnel ang idi-deploy para tumulong sa mga tauhan ng Department of Health (DOH) sa tatlong araw na national vaccine drive.
Mayroon aniya silang pitong team na binubuo ng 10 personnel bawat team na Medical Reserved Force mula sa MOA swabbing facility.
Isang team ang na-deploy sa probinsiya ng Laguna, isang team sa Pampanga, apat na team naman sa Camp Sikatuna sa Quezon City para sa kanilang deployment sa iba’t ibang barangays sa siyudad.
Habang ang isang team ay magsisilbing standby force sa Health Service sa Camp Crame.
Dagdag pa ni Vera Cruz, ang dalawang team na ipinadala sa Pampanga at Laguna ay mananatili doon ng tatlong araw mula November 29 hanggang December 1, 2021.
“We have 3 PROs to be utilized as vaccination sites, PROs 3, 5, 13. No vaccinations sites for all PPOs. NCRPO including 5 districts will not be utilized as vaccination sites. We have 7 teams (10 personnel each) from MRF (Moa swabbing facility). One team will be deployed to Laguna Province and one team to be deployed to Pampanga Province. The 4 teams will be deployed to Camp Sikatuna in QC for deployment to different barangays. One team will serve as standy force in HS, Camp Crame. The two teams to be deployed to Laguna and Pampanga respectively will be there from Nov 29 to Dec 1 (3 days),” ani Lt. Gen. Vera Cruz sa Bombo Radyo.
Una nang naiulat na layon ng 3-day national vaccination drive ng gobyerno na makapagbakuna ng 1.5 million Filipinos sa loob ng isang araw.
Pagtitiyak ng PNP chief, bukod sa mga idi-deploy na medical workers para tumulong sa pagbabakuna ay nakalatag na rin ang seguridad ng bawat PNP units na magbabantay sa iba’t ibang vaccination centers sa buong bansa.