Nakatakdang bumiyahe papuntang Vatican ang tatlong Pilipinong cardinal upang makibahagi sa pagpili ng susunod na Santo Papa, kasunod ng pamamayapa ni Pope Francis.
Kinabibilangan ito nina Luis Antonio Cardinal Tagle, Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president at Caloocan City Archbishop Pablo Virgilio Cardinal David, at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Maliban sa pagpili ng susunod na Santo Papa, inaasahan ding makikibahagi ang tatlong Filipino cardinals sa funeral ng pumanaw na Santo Papa.
Sa isang mensahe mula sa CBCP, binibigyang-diin dito na ang magiging biyahe ng mga Filipino cardinals papuntang Rome ay nagpapakita ng kanilang commitment para bigyang-pugay at pahalagahan ang legasiya ni Pope Francis.
Nagpapakita rin umano ito ng kanilang pagpapahalaga sa solemn ceremonies na naktakda sa Vatican.
Giit ng CBCP, ang kaniyang presensya sa mahalagang okasyon ay sumasalamin hindi lamang ng kanilang personal na paggalang sa namayapang Santo Papa kungdi ng pagluluksa ng buong Catholic community.
Ayon sa CBCP, inaasahang aktibong makikibahagi ang tatlong Pilipinong cardinal sa nalalapit na papal conclave upang ihalal o piliin ang susunod na Santo Papa na mamumuno sa simbahan.
Bukod sa maaari silang bumuto, maaari ring mapili ang sinuman sa kanila upang susunod na maging pinakamataas na lider ng Catholic faith.
Lahat ng tatlong Filipino Catholic leaders ay hinirang ni Pope Francis upang maging bahagi ng Sacred College of Cardinals.