Tatlo ang naiulat na nasawi habang tatlong iba pa ang sugatan dahil sa pananalasa ng Severe Tropical Storm Crising at ng Southwest Monsoon (Habagat), ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo ng umaga.
Dalawa sa mga nasawi ay mula sa Northern Mindanao, at isa sa Davao Region. Samantala, ang lahat ng nasugatan ay mula sa rehiyon ng SOCCSKSARGEN.
Tatlong katao rin ang naiulat na nawawala sa Western Visayas. Ayon sa NDRRMC, isinasailalim pa sa beripikasyon ang mga nasabing ulat.
Batay sa datos ng ahensya umabot sa 370,289 katao o 120,008 pamilya ang naapektuhan ng bagyo. Sa bilang na ito, 6,720 pamilya (22,623 katao) ang nasa evacuation centers habang 5,287 pamilya (20,759 katao) ang pansamantalang nanunuluyan sa labas ng mga evacuation center.
Samantala lumabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Crising nitong Sabado, ngunit ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy pa ring magdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ang Habagat.