-- Advertisements --
STA MARIA

CAUAYAN CITY – Tatlong bata ang nasawi matapos malunod kahapon sa Cagayan River sa San Isidro West, Santa Maria, Isabela.

Ang mga biktima ay sina Gilmore Canceran Jr., 14; Cristal Jale Gatan, 11; at Ericka Callueng, pitong taong gulang na pawang mga residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Capt. Rogelio Natividad, hepe ng Sta. Maria Police Station, sinabi niyang lumalabas sa kanilang pagsisiyasat na nagpaalam ang mga biktima sa kanilang mga magulang na kukuha ng “pusa-pusa” isang uri ng exotic fruit na nakukuha sa mga tumana subalit lingid sa kaalaman ng mga magulang ay nagtungo sila sa Cagayan River para maligo.

Sa kanilang pagsusuri sa lugar kung saan nalunod ang mga biktima, nakita nila ang mga dala nilang baon na palatandaan na plinano ng mga menor de edad na magtungo sa ilog.

Ayon pa kay Natividad, naunang tumugon ang mga kasapi ng Rescue San Pablo dahil sila ang naunang nakakita sa mga biktima habang nalulunod.

Bagamat hindi kalaliman ang nasabing ilog ngayong tag-init ay may bahagi ito na sadyang delikado.

Labis na nadismaya si Natividad sa nasabing pangyayari sa kasagsagan ng pagpapatupad ng enchanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.

Iginiit niya na mahigpit sila sa pagpapaalala sa mga residente sa Sta. Maria, Isabela na ipinagbabawal ang pagtungo sa ilog bilang pagtalima sa mga panuntunan ng ECQ subalit mayroon pa ring nakalusot na nagtungo sa Cagayan River na nagbunga ng pagkalunod ng tatlong menor de edad.