VIGAN CITY – Dead on arrival ang tatlong katao na sangkot sa magkakahiwalay na aksidente sa lalawigan ng Ilocos Sur.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, alas 11:30 nitong Huwebes ng maaksidente sa Rivero St., Beddeng Laud, Vigan City si Rowel Refuerzo, 23-anyos, may-asawa, animal trainer at residente ng Tamag, Vigan City.

Napag-alaman na binabagtas ni Refuerzo ang pa-timog na direksyon nang mawalan umano ito ng kontrol sa manibela ng motorsiklo kaya aksidenteng nabangga sa poste ng kuryente na nasa kaliwang shoulder ng kalsada.

Nagtamo ang biktima ng malubhang sugat sa ulo na siyang sanhi ng kamatayan nito kahit pa itinakbo ito sa Ilocos Sur Provincial Hospital- Gabriela Silang.

Samantala, dead on arrival din sa nasabing hospital ang nagmaneho ng pulang Lifan motorcycle na si John Bartolome, binata na taga- Bayubay Sur, San Vicente nang maaksidente ito, alas 11:40 kagabi sa Barangay Tamag, Vigan City.

Nakasakay sa motorsiklo ang biktima, kasama ang backrider nito na si Carol Sunshine Sorreda, 21-anyos, cashier at residente ng Sta. Catalina ng aksidente nilang mabangga ang likurang bahagi ng nasa unahan nilang skydrive na minaneho ni Jessabelle Molina Berbano, 21-anyos, may-asawa at residente ng Bantaoay, San Vicente, kasama ang backrider nito na si Neil Patrick Abuel Rabara, 19-anyos na taga- Balaleng, Bantay.

Nagtamo ng malalang sugat sa ulo si Bartolome na siyang sanhi ng kamatayan nito samantalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng tatlo pang sangkot sa nasabing aksidente.

Nitong madaling araw ng Biyernes naman ng maaksidente sa Sabuanan, Sta. Lucia ang isang Honda Dash 110 motorcycle na minaneho ni Jerome Gapate, 30-anyos na residente ng Salvador 2nd, Candon City nang agawin nito ang linya ng kasalubong na Toyota RAV4 na minaneho ni Randy Supnet, 41-anyos, may -asawa at residente ng Sitio Puttot, Barangay Calug Sur., Abulog, Cagayan na siyang sanhi ng kamatayan nito.