Hindi baba sa tatlong katao ang naiulat na nasawi sa Davao Region at Soccsksargen dahil sa epekto ng Bagyong Kiyapo at Habagat.
Gayunpaman, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), patuloy pa ring bineberipika ang ang nasabing report.
Samantala, isang katao naman ang iniulat na nawawala sa Soccsksargen.
Aabot na sa mahigit 193,000 indibidwal, o higit 41,000 pamilya, mula sa 258 barangay sa pitong rehiyon ang naapektuhan ng malalakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng sama ng panahon.
Sa bilang na ito, mahigit 9,000 katao na ang kasalukuyang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center para sa kanilang kaligtasan.
Naitala rin ang pagkasira ng 235 bahay sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, at BARMM. Sa mga ito, 158 ang bahagyang nasira habang 77 ang tuluyang nawasak.
Bagama’t nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Kiyapo, patuloy pa rin itong binabantayan ng mga awtoridad dahil maaari pa rin itong magpalakas ng Habagat na nagdadala ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
















