-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Pinaigting pa ng Regional Special Operations Unit ng Police Regional Office Region 10 (PRO-10) ang kanilang paghahanap laban sa ilang Chinese nationals na itinurong nasa likod nang pagdukot ng kanilang kasamahan sa Cagayan de Oro City.

Ito ay matapos tuluyan nang kinasuhan ng kidnapping sina Li Jingui, Jiang Wenwu at isa pang hindi nakunan ng pangalan na suspek dahil pagdukot sa biktima na si Wang Whizhong, 45-anyos na residente sa Kimwa Compound, Purok 12, Barangay Tablon ng lungsod.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Brig. Gen. Rolando Anduyan, chief of police ng PRO-10 na hindi tinigilan ng kanilang tropa ang pagtunton sa mga kasamahan ni Li upang maaresto at maihaharap para sa kasong kidnapping na inihain ng biktima.

Inihayag ni Anduyan na muntikan na nilang makuha ang mga suspek subalit kinapos lamang sila ng ilang minuto para ma-aresto ang mga ito dito sa lungsod.

Bagamat pinawi ng heneral ang pangamba ng publiko kaugnay sa pangkabuuang sitwasyon ng seguridad kahit nagka-dukutan ang ilang mga Chinese national na residente na sa lungsod.

Napag-alaman na naaresto lamang si Li nang mabangga ang pribadong sasakyan ng biktima dahil hinabol ng operating troops upang papanagutin laban sa akusasyon na ipinukol sa kanila sa siyudad noong Agosto 2020.