Inanunsyo ng Land Transportation Office (LTO) ang tatlong buwang extension para sa lahat ng mga lisensya ng driver at magre-rehistro ng sasakyan na nakatakdang mag-expire, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa LTO, saklaw ng hakbang ang mga dokumentong mag-e-expire simula Abril 2026, kung saan maaari itong i-extend ng hanggang tatlong buwan nang walang multa o penalty.
“In line with the directive of President Marcos Jr. and pursuant to the declaration of a State of National Energy Emergency, the Land Transportation Office (LTO) announces the extension of validity… for a period of three (3) months,” ayon sa ahensya.
Layunin ng polisiya na mabigyan ng ginhawa ang publiko sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang pangunahing bilihin.
Saklaw ng extension ang driver’s at conductor’s licenses, student driver’s permits, at rehistro para sa mga sasakyan.
Ayon pa sa ahensya, sa loob ng extended period hindi rin sisingilin ng karagdagang bayarin ang mga motorista para sa late renewal.
Giit ng LTO, ang hakbang ay para mabawasan ang pasanin ng publiko at mabigyan ng sapat na panahon upang makapag-renew ng kanilang mga dokumento nang hindi naaapektuhan ng karagdagang gastos.
















