BAGUIO CITY – Nasawi ang tatlong kabataang babae matapos silang malunod sa Agno River partikular a Sitio Karil Calew, Dalupirip, Itogon, Benguet.

Nakilala ang mga biktima na sina Kyla Mae Fernandez, Grade 9 student, tubong Ansipsip, Kayapa, Nueva Vizcaya; Dickzy Mae Catos, Grade 7, tubo ng Ansipsip, Kayapa at si Angel Hernandez, Grade 9, tubo ng Quirino Province at ang mga ito ay kapwa estudyante at stay-in sa Bless His Place Acadamy Incorporated na matatagpuan sa Dalupirip, Itogon, Benguet.

Ayon kay Police Major Romel Sawatang, hepe ng Itogon Municipal Police Station, pumunta ang mga biktima sa Agno River para salubungin nila ang kanilang mga kasama na kumuha ng kahoy sa gubat.

Gayunman, nang madaanan nila ang ilog ay naligo at lumangoy ang mga ito ngunit nalunod ang isang kasama nila.

Sinubukan ng dalawa sa mga biktima na tulungan ang kanilang kasama ngunit dahil sa hindi sila masyadong marunong lumangoy ay pare-pareho silang nalunod.

Sa pamamagitan ng tulong ng mga responders ay naitakbo ang mga biktima sa Itogon District Hospital ngunit pagkatapos ng ilang oras ay sunod-sunod na naideklarang patay ang mga biktima.

Iniuwi ang mga bangkay ng mga biktima sa Bless His Place Acadamy Incorporated habang hinihintay ang pagdating ng kanilang mga kapamilya.