Tinatayang aabot sa 3.5 percent ang posibleng itaas ng production cost sa mga pangunahing bilihin sa oras na maramdaman na ang epekto nang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine pagdating sa global market sa langis.
Paliwanag ni Trade Secretary Ramon Lopez, ang contribution kasi ng oil sa manufacturing ay pumalo ng lima hanggang pitong porsyento dahil apektado rito ang mga raw materials na ginagamit sa paggawa ng mga produkto.
Sa ngayon, nasa 70 percent na ang itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa mga nakalipas na buwan, na ayon sa ilang mga eksperto ay posibleng masusundan pa dahil sa sigalot sa border ng Ukraine at Russia.
Aminado si Lopez na ang nakikita nilang 3.5 percent increase sa production cost ay hindi dapat ibalewala kahit pa ito ay below 10 percent pa lang naman.
Isasama kasi ang datos na ito sa pag-aaral kapag magkaroon man ng adjustment kung sakali sa Suggested Retail Price (SRP) ng mga produkto.
Gayunman, sa ngayon ay wala pang galawan sa SRP at wala ring nagre-request na magkaroon na ng pagbabago.
Handa naman aniya ang pamahalaan na harapin ang magiging epekto ng lalo pang pagtaas ng presyo ng langis.