Pinahahanda ng isang kongresista ang pamahalaan sa pagdating ng humigit kumulang 420,000 overseas Filipino workers (OFWs) sa mga susunod na buwan o pagkatapos ng peak ng COVID-19 crisis sa Pilipinas.
Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Rep. Joey Sarte Salceda, ito ay para maiwasan na rin ang second wave ng infections na maaaring idulot ng mga uuwing OFWs mula sa mga bansang pinakaapektado ng COVID-19.
Dahil dito, inirekominda ni Salceda na maglaan ng P20 billion sa mga programa ng OWWA at DOLE sa OFWs ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay Salceda, isa sa mga maituturing major negative impacts ng COVID-19 crisis ay kung mawala ang kita ng bansa at nasa $5 billion remittances mula sa mga OFWs kada taon.
Sakali kasing mangyari ito, maaring abutin ng dalawa hanggang tatlong taon bago makabalik ulit ang Pilipinas sa normal levels.
“We’re highly exposed because some of our best-paid OFWs are sea-based, and that relies on tourism and global trade, which would suffer lingering effects within the next 24 to 36 months.” dagdag pa nito.
Base sa consensus, nasa 230,000 hanggang 250,000 OWFs ang posibleng mawalan ng trabaho, habang 170,000 hanggang 180,000 naman ang maaring pansamantalang uuwi muna ng Pilipinas.
“Ibig sabihin po, we have to prepare to process, quarantine, and test as many as 420,000 OFWs. We have constraints pero kailangan pong gawan ng paraan,” giit ni Salceda.
“If we cannot test them, that is potentially a massive wave of vectors that, if they infect others, could overwhelm the health care system. So they will need to be tested and isolated,” dagdag pa nito.