Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi at apektado ngayon ng pananalasa ng mga magkakasunod na tatlong bagyo na Marisol, Nando, at Opong gayundin ng habagat na tumama sa bansa ngayon lamang buwan ng Setyembre
Base sa ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes, Setyembre 29, sumampa na sa 27 ang naitalang nasawi.
Nasa 23 sa nasawi ay isinasailalim pa sa validation habang ang apat ay kumpirmado na.
Ayon pa sa ahensiya, kasalukuyang biniberipika din ang lahat ng nawawala na umakyat pa sa 16 habang nananatili naman sa 33 ang napaulat na nasugatan sa kalamidad.
Samantala, kasalukuyang apektado rin ang mahigit 3.4 milyong indibidwal o katumbas ng mahigity 906,000 pamilya, kung saan mahigit 106,000 indibidwal ang inilikas sa mga evacuation centers.
Nakapagtala din ang ahensiya ng mahigit 16,000 kabahayan na napinsala sa Region 1,2,3, CAR, CALABARZON, Mimaropa, Region 5, 6,9 at BARMM.
Patuloy naman ang isinasagawang relief operations ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng kalamidad kabilang ang pagbibigay ng family food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).