-- Advertisements --

Patay ang 25 katao habang 52 naman ang sugatan sa nangyaring pagsabog sa labas ng isang paaral sa Kabul, Afghanistan.

Nangyari ang pagsabog sa Dasht-e-Barchi, na isang regular target ng Sunni Islamist militants, habang nasa labas ng kanilang mga bahay ang mga residente para mamili ng mga gagamitin para sa Eid-al-Fitr sa susunod na linggo.

Ito ay sa harap na rin nang patuloy na pag-pull out ng US military ng kanilang nalalabing 2,500 na tropa mula sa naturang bansa, sa kabila ng humihinang peace efforts sa pagitan ng Taliban at Afghan government para wakasan sana ang ilang dekada nang giyera.

Sa ngayon, nagsimula na ang imbestigasyon ng pamahalaan sa nangyaring pagsabog.

Wala pa namang umaakong grupo sa likod nang pagsabog, at itinanggi rin ng Taliban na sila ang may pakana nito.

Mababatid na madalas ang Taliban ang itinuturo ng pamahalaan na siyang nasa likod ng mga pag-atake sa Kabul.

Pero magmula noong Pebrero ng nakaraang taon ay itinatanggi ng Taliban na inaatake nila ang Kabul, kasunod ng paglalagda sa isang kasunduan sa Estados Unidos na siya namang dahilan kung bakit pinababalik na ang mga sundalo sa lugar papuntang America. (AFP)