Naglagay ng 24/7 help desks ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pangunahing international airports ng bansa upang tulungan ang mga minors na may concern sa travel clearance.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Ada Colico, layunin ng Minors Travelling Abroad (MTA) help desk na magbigay ng personal na tulong sa mga minor na na-offload o hindi nakasakay sa kanilang flight dahil sa kakulangan ng dokumento.
Ang travel clearance ay requirement na para sa mga menor de edad na magbibiyahe palabas ng bansa nang walang kasama na magulang o legal guardian, alinsunod sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Philippine Passport Act of 1996.
Binigyang-diin ni Colico na ang travel clearance ay mahalaga upang maiwasan ang child trafficking at matiyak ang kaligtasan ng mga batang Pilipino na aalis ng bansa.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang mga magulang at guardian na ayusin ang travel clearance ng mga bata nang maaga. Maaaring magproseso ng MTA clearance sa online system ng ahensya o sa pamamagitan ng eGov PH mobile application.














