Hindi bababa sa 22 katao ang nasawi matapos tumama ang isang malakas na lindol sa kanlurang bahagi ng Colombia nitong Lunes.
Pinakamaraming nasawi sa Pereira, kung saan iniulat ng alkalde na 18 katao ang namatay.
Tatlo naman ang nasawi sa kalapit na Manizales, habang isang tao ang nasawi sa Buenaventura matapos gumuho ang isang gusali.
Sa Cali, mahigit dalawang dosenang istruktura ang gumuho at may mga taong na-trap sa ilalim ng mga guho.
Ayon sa alkalde, hindi bababa sa dalawang tao na ang nailigtas, kabilang ang isang matandang babae at isang batang babae, habang nagpapatuloy ang rescue operations sa iba pang lugar.
Tinatayang magnitude 7.4 na lindol ang tumama sa bansa bandang ala-7:34 ng umaga (local time), at may lalim na 96 kilometro ayon sa Colombian Geological Service.
Naramdaman ang pagyanig sa lahat ng 32 departmental capitals ng Colombia.
Pansamantalang sinuspinde ang mga operasyon sa ilang paliparan sa Pereira, Manizales, Quibdo, Armenia, Cartago at Buenaventura habang sinusuri ang mga gusali para sa posibleng structural damage.
Nagbabala rin ang mga awtoridad sa posibleng aftershocks.
















