-- Advertisements --

Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang serye ng mga pagyanig o earthquake swarms na nararanasan sa lalawigan ng Albay ay posibleng hudyat ng nalalapit na pagputok ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Dr. Winchelle Ian Sevilla, chief ng Seismological Observation and Earthquake Prediction Division ng Phivolcs, karaniwang nade-detect ang ganitong mga pagyanig bago ang aktwal na pagputok ng bulkan.

Ipinaliwanag ni Sevilla na may mga pag-aaral na nagsasabing ito ay tinatawag na distal volcano-tectonic (DVT) earthquakes, kung saan ang signal ng pagyanig ay mula sa tectonic activity ngunit may kaugnayan sa pag-angat ng magma sa ilalim ng bulkan.

Posible umanong nade-deform ang paligid ng bulkan dahil sa pag-angat ng magma, na nagdudulot ng paglipat ng stress sa mga fault at nagti-trigger ng sunod-sunod na pagyanig.

Dahil dito, hindi inaalis ng Phivolcs ang posibilidad na may kaugnayan ang mga naitalang earthquake swarms sa aktibidad ng Bulkang Mayon, na kilala bilang isa sa pinakaaktibong bulkan sa bansa.