Dalawang malalakas na aftershock ang naramdaman sa karagatan ng Sarangani, Davao Occidental nitong Miyerkules ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa PHIVOLCS, ang mga naramdamang pagyanig ay mga aftershock ng magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani at ng magnitude 6.5 na lindol sa Davao Occidental na naitala noong nakaraang buwan.
Unang naitala ang magnitude 5.5 na lindol bandang alas-9:16 ng gabi. sa timog-kanluran ng Sarangani, Davao Occidental. Tectonic ang pinagmulan nito at may lalim na 10 kilometro.
Makalipas ang ilang minuto, bandang alas-9:23 ng gabi, isa pang magnitude 5.3 na lindol ang tumama sa timog-kanluran ng Balut Island, Sarangani, na may lalim ding 10 kilometro at tectonic din ang pinagmulan.
Sinabi ng PHIVOLCS na wala namang inaasahang pinsala mula sa magnitude 5.3 na lindol, ngunit posibleng magkaroon pa ng mga kasunod na aftershock.
















