-- Advertisements --

Kinwestyon ng Senado ang naunang ipinanukalang budget na P233.85B ng National Irrigation Administration (NIA) para sa 2027.

“Bakit kayo humihingi ng napakalaking [budget]? Siguro alam na ninyo na hindi aaprubahan?” pagkukwestiyon ni Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform chairperson Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa budget briefing ng ahensiya.

“Impraktikal” din daw ito ayon kay Sen. Imee Marcos kung saan pinuna rin ng senadora na hindi pa nagagamit nang lubos ng ahensiya ang buong budget na P64.37B para sa kasalukuyang taon.

“Nagtataka lang ako, I’m also perplexed by this huge increase requested, although siyempre gusto natin i-accommodate lahat ‘yan dahil kailangan na kailangan with the impending ‘Godzilla’ El Niño. Pero considering na hindi niyo naman nagastos ‘yung 2026 budget. Mayroong halos P17B na continuing appropriations, hindi niyo nagastos,” aniya.

Pagpapaliwanag naman ni NIA Administrator Eduardo Eddie Guillen repleksiyon lamang ito ng matinding pangangailangan ng sektor.

Dagdag pa niya, ikinonsidera ng NIA ang mga kahilingan ng Regional Development Councils (RDC) kaya’t lumobo sa nasabing halaga ang orihinal na ipinanukala ng ahensiya.

“So ang trabaho natin ipakita natin ‘yung pangangailangan at request. Of course, kaya naman po natin kung ano po ‘yung merong budget ay ‘yun po ‘yung i-implement natin. It’s just that kailangan namin ipakita ‘yung totoong sitwasyon,” paglilinaw ni Guillen.

Kabilang din sa pinuna ang P1.7B na quick response fund, kumpara sa P300M na nakalaan para sa kasalukuyang taon.

“Saksakan ng laki ito. Gusto namin malaman what disaster risks are you intending to cover? Ano bang plano diyan at napakalaki?” pagkukwestiyon ni Marcos.

Tugon naman ni Guillen na inestima ng administrasyon ang P100M kada rehiyon, kung kaya’t umabot sa nasabing halaga ang kanilang ipinanukala dahil pinaghahandaan aniya ng ahensiya ang banta ng paparating na Super El Niño na maaari namang maramdaman sa pagtatapos ng kasalukuyang panahon.

Samantala, P47.43B lamang ang nakalaang budget ng NIA sa 2027 National Expenditure Program (NEP) kung saan ito ay 26% na mas mababa sa itinalagang budget na P64.37B para sa kasalukuyang taon.

PHOTO COURTESY: Senate of the Philippines/YouTube