Hindi bababa sa 37 katao ang nasugatan matapos tumama ang magnitude 5.9 na lindol sa eastern Japan nitong Linggo, na malakas ding naramdaman sa Tokyo.
Ayon sa Japan Meteorological Agency, nasa 70 kilometro ang lalim ng lindol at ang epicenter nito ay nasa southern Ibaraki Prefecture.
Karamihan sa mga nasugatan ay nahulog o tumama sa mga kasangkapan at pintuan matapos magising nang biglaan at mataranta dahil sa pagyanig.
Sa kabuuang bilang, 15 ang nasugatan sa Tokyo, siyam sa Saitama, walo sa Kanagawa, apat sa Chiba at isa naman sa Ibaraki.
Isang babae na nasa edad 80 rin ang nagtamo ng malubhang pinsala sa balakang matapos mahulog mula sa kama sa Yokohama.
Nagdulot din ang lindol ng pagkaantala sa ilang express at local train services na bumibiyahe patungo sa Tokyo at Narita Airport. Gayunpaman, normal ang operasyon ng Shinkansen bullet trains.
Naka diploy narin ang task force sa Japan na susuri sa mga posibleng pinsala dulot ng lindol, habang nagbabala ang Japan Meteorological Agency na maaari pang magkaroon ng mga pagyanig sa mga susunod na linggo.
Wala namang banta ng tsunami at wala ring naiulat na problema sa humigit-kumulang isang dosenang nuclear power plants sa bansa.
Isang underground water pipe naman sa Koto district sa Tokyo ang nasira dahil sa lindol, ngunit agad naman itong naayos.
















