-- Advertisements --

Umabot na sa 210,000 katao ang dumalo sa ikalawang araw ng Peaceful Rally for Transparency ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, Manila, ngayong hapon, Nobyembre 17, 2025, ayon sa ulat ng mga awtoridad bandang alas-3:00 PM.

Ang naturang pagtitipon ay bahagi ng tatlong araw na serye ng rally na isinasagawa ng INC mula Nobyembre 16 hanggang 18, na may layuning ipanawagan ang transparency, accountability, at kapayapaan sa pamahalaan.

Sa unang araw pa lamang, tinatayang 650,000 katao na ang dumalo sa Rizal Park, ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO).

Ayon sa INC spokesperson na si Bro. Edwil Zabala, ang rally ay hindi isang political protest kundi isang mapayapang pagpapahayag ng damdamin ng mamamayan laban sa katiwalian.

Bukod sa mga miyembro ng INC, bukas din ang pagtitipon sa publiko, kabilang ang mga non-members at grupong sibiko.

Kasabay ng INC rally, nagsasagawa rin ng hiwalay na pagtitipon ang grupong United People’s Initiative (UPI) sa EDSA People Power Monument, na binubuo ng mga retiradong sundalo at pulis na may panawagan din para sa reporma sa pamahalaan.