-- Advertisements --

Nanawagan ang Trillion Peso March Movement Spokesperson Howard Calleja na ang mga opisyal ng pamahalaan na mapatunayang nagkasala sa korapsyon ay dapat hatulan ng mahabang pagkakakulong nang walang posibilidad ng pardon.

Ayon kay Calleja, ang korapsyon ay isang salot na patuloy na nagpapahirap sa mamamayan at sumisira sa tiwala sa gobyerno.

Binigyang-diin niya na hindi sapat ang simpleng pagkakakulong, kundi kailangan ng mas mabigat na parusa upang magsilbing babala sa iba pang opisyal.

Ang Trillion Peso March Movement ay nagsusulong ng mas mahigpit na pananagutan at transparency sa pamahalaan, na sinimulan sa pamamagitan ng simbolikong pagsusuot ng puting t-shirt tuwing Biyernes.

Nilinaw ni Calleja na ang kanilang panawagan ay hindi nakatuon sa isang administrasyon lamang, kundi sa kabuuang sistemang matagal nang binabalot ng katiwalian.

Layunin ng pagkilos na ipakita ang pagkakaisa ng mamamayan laban sa korapsyon at igiit ang reporma para sa mas malinis na pamahalaan.