Naninindigan ang Commission on Elections (COMELEC) na walang pangangailangan para ipagpaliban ang May 2022 elections bagama’t aminadong maaaring magpasa ng batas ang Kongreso para rito.
Sinabi ni COMELEC Chairman Sheriff Abas, malinaw na nakasaad sa 1987 Constitution na itinatakda sa ikalawang Lunes ng Mayo ang national elections lalo sa president, bise presidente at miyembro ng Kongreso maliban na lamang kung may bagong batas na nagpapaliban sa halalan.
Ayon kay Abas, magkakaproblema rin sa probisyon ng Konstitusyon na nagsasabing ang termino ng mga incumbent elected officials ay magpapaso sa June 30, 2022.
Kung magkakaroon ng rebisyon sa Konstitusyon, kailangan itong ratipikahan ng Kongreso sa pamamagitan ng two-thirds vote at kailangan ding idaan sa plebisito.
“Magkakaproblema pa rin siya doon sa isang provision na mage-end lahat ng term ng incumbents on June 30. But as to puwedeng i-extend, puwede because under the Constitution nilagay mismo unless otherwise provided by law,” ani Chairman Abas.