DAVAO CITY – Matapos ang pag-atras ni Sen. “Bong” Go sa kanyang kandidatura sa pagka-pangulo sa 2022 national and local elections, nanawagan ng pagkakaisa ang vice presidential aspirant na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Una nang sinabi ng tagapagsalita ni Mayor Inday na si Liloan, Cebu Mayor Christine Frasco, na naniniwala ang alkalde na ito ang magiging daan tungo sa pagkakaisa kasama ang BBM-Sara Uniteam para magtagumpay sila sa kanilang mga plano para sa bansa.
Dagdag pa ni Mayor Inday na mula nang inilunsad niya ang kanyang kandidatura sa pagka-bise presidente sa Pilipinas, ay hinimok na nito ang lahat na suportahan ang administrasyong Duterte para mapalawak pa ang magandang nasimulan ng kanyang ama.
Dapat din aniya ay respetuhin na lamang ang naging desisyon ni Senator Go kung sa pag-atras sa kanyang kandidatura.
Kung maaalala, ka-tandem ni Mayor Inday si dating Senator “Bongbong” Marcos Jr., para sa 2022 elections sa ilalim ng Uniteam Alliance.
Binuo ito ng Partido Federal ng Pilipinas, Lakas-Christian Muslim Democrats, Hugpong ng Pagbabago, at Pwersa ng Masang Pilipino.