Nagpadala na ng sulat na si Pangulong Rodrigo Duterte sa liderato ng Kongreso para gawing prayoridad ang pagpasa ng House Bill 4228 o ang panukalang P4.1 trillion 2020 national budget.

Sa liham ni Pangulong Duterte kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Senate President Tito Sotto III, sinertipika na nitong urgent bill ang panukalang pambansang budget.

Sinabi ni Pangulong Duterte na layunin ng sertipikasyon na matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng gobyerno, mapabilis ang paglalaan ng pondo para sa mga proyekto para sa susunod na taon at matiyak ang kahandaan ng gobyerno sa paggamit ng pondo alinsunod sa mandato nito  sa Konstitusyon.

Dahil certified urgent, nangangaluhugan itong mas mapapadali na ang pagpasa ng Kongreso ng budget dahil matapos itong lumusot sa ikalawang pagbasa ng Kamara, maaari na itong ipasa agad sa ikatlo at huling pagbasa na hindi na kailangan pang maghintay ng tatlong araw.

Inaasahang sa susunod na linggo ay aprubado na ng Kamara ang P4.1 trillion 2020 proposed national budget. 

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda, sa Biyernes, Setyembre 20 ay target na nilang maipasa ito sa ikalawang pagbasa.

Ayon kay Rep. Salceda, ito na ang maituturing na pinakamabilis na pagpasa ng Kamara ng pambansang pondo at magiging patunay na nagtatrabaho ang “Duterte Super Coalition” sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Tiniyak naman ni Rep. Salceda na walang “pork insertions” o mga isiningit na iligal sa 2020 national budget kahit mabilis lang itong maipapasa ng Kamara.

“Challenge namin sa Senate, sila ang—reklamo nila last year, paaprubahan din nila nang walang insertions. What you see is what you get. What we got is what we will give,” ani Rep. Salceda. “Except for a few words; not a single coma, decimal, semi-colon is changed.”

Gayunman, inamin din nitong mayroong tig-P100 million na alokasyon ang kada kongresista pero hindi umano ito nakalista bilang lump-sum kundi naka-itemize itong proyekto sa General Appropriations Act (GAA).

Kasabay nito, hinamon naman ni Rep. Salceda ang Senado na maaga ring ipasa ang 2020 national budget gaya ng kanilang ginawa at maiwasang maulit ang “deadlock” noong nakaraang taon na nagresulta sa paggamit ng re-enacted budget sa unang bahagi ng taon.