-- Advertisements --

Umabot sa 200 iba’t ibang uri ng bala ang nasamsam ng Office for Transportation Security (OTS) sa mga paliparan sa buong bansa ngayong Semana Santa, kabilang ang isang malaking bulto na nakuha mula sa isang babaeng pasahero sa Palawan.

Ayon kay OTS Administrator Usec. Gilbert Cruz, mahigit 100 sa mga nakumpiskang bala ay nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Binubuo ito ng mga live and blank ammunitions.

Paliwanag ni Cruz matapos ang isinagawang security inspection sa NAIA Terminal 3 ngayong Miyerkules Santo, Abril 1, karaniwang nasa walo hanggang 15 bala ang kanilang nakukumpiska araw-araw.

Karamihan umano sa mga pasahero ay idinadahilan na ang mga bala ay ginagamit bilang agimat o anting-anting.

Samantala, naiibang kaso naman ang naitala sa Palawan airport matapos makuhanan ang isang babaeng pasahero na patungong NAIA ng 65 na live ammunitions na nakasilid pa sa dalawang magazines ng M-16 rifle.

Kasalukuyang nahaharap ang nasabing babae sa kasong illegal possession of ammunition.

Bukod sa mga bala, patuloy rin ang pag-ipit ng OTS sa iba pang mga ipinagbabawal na gamit sa loob ng paliparan tulad ng mga kutsilyo, gunting, ice picks, at iba pang matutulis at matatalim na bagay.