Nanindigan ang Bureau of Immigration (BI) na walang travel record si Charlie ‘Atong’ Ang palabas ng Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng panibagong impormasyon na inilabas ni Interior Secretary Jonvic Remulla na namataan si Ang sa Vietnam.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, walang record ang gaming tycoon na nagsasabing bumiyahe siya patungo sa ibang bansa o sa Vietnam, habang nasa kalagitnaan ang imbestigasyon laban sa kaniya dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pagkawala ng maraming mga sabungero.
Hindi rin inaalis ng BI ang posibilidad na gumamit si Ang ng backdoor para makalabas ng Pilipinas, tulad ng naunang claim ni Sec. Remulla.
Sa kabilang banda, nakahanda rin aniya ang BI para tumulong sa Department of Interior and Local Government sa nagpapatuloy nitong imbestigasyon at paghahanap sa gaming tycon.
Sa kasalukuyan ay nahaharap si Ang sa patong-patong na kaso kung saan naglabas na ng mga non-bailable warrant of arrest ang ilang korte sa Laguna at Batangas laban sa kaniya.
Una na ring nag-alok ng P20 million na halaga ng reward ang DILG para sa pagkaka-aresto ng gaming tycon. (report by Bombo Jai)
















