-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Ginagamot na ngayon sa ospital ang dalawang mangingisda na sugatan matapos na aksidenteng sumabog ang home-made dynamite na ginamit ng mga ito sa pangingisda sa Rio Grande de Mindanao.

Kinilala ni BGen. Graciano Mijares, director ng Regional Police Office ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang mga biktima na sina Datu at Mahdi Matabalao.

Ayon kay Mijares, nangingisda ang mga biktima sa ilog na sakop ng Barangay Kalanganan, Cotabato City dala ang mga dinamita nang aksidenteng sumabog sa kanilang sakayang dagat ang isa sa mga ito.

Mabuti na lamang umano at minor injuries lamang ang natamo ng mga mangingisda.

Napag-alaman na gawa sa ammonium nitrate o potassium chlorate na hinaluan ng gasolina at sulfur ang ginamit ng mga ito na kapareho umano sa ginagawang improvised explosive device (IED) ng local ISIS terrorist sa lugar.

Nakatakda naman na isailalim sa imbestigasyon ang mga ito matapos na magamot sa ospital.