CENTRAL MINDANAO – Nakapagtala ng tatlong panibagong COVID-19 positive patients ang Cotabato City.

Ayon kay Cotabato City Health officer Dr. Meyasser Patadon, dalawa sa mga ito ay asymptomatic na pulis na naka-assign sa siyudad at ang isa naman ay isang overseas Filipino worker (OFW).

Aniya, ang tatlo ay pawang nasa stable na kalagayan.

Sa ngayon ang OFW ay naka-isolate sa Cotabato Regional and Medical Center habang ang dalawang pulis naman ay sa Cotabato City Ligtas COVID Center.

Dahil dito, umakyat na sa 13 ang total COVID-19 cases sa naturang siyudad.

Muli namang nagpaalala ang City Government ng Cotabato sa mga mamamayan na ang pagsasailalim nila sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ay hindi nangangahulugang ligtas na ang mga ito sa naturang sakit bagkus dapat ay panatilihin pa din ang pagsunod sa minimum health standard protocol laban sa COVID-19.